🏠 Homepage | ChannelPahayag sa Kaarawan ni Sen. Leila De LimaPosted: 27 August 2020
By: Meilou Sereno Official FB Page
Twitter | Youtube | Instagram | Tiktok
Hindi madaling magsulat ng isang mensahe para kay Sen. Leila de Lima, lalo na sa kaniyang kaarawan. Ano ang masasabi mo sa isang taong biniyayaan ng mabubuting katangian, nguni't ginigipit ng ganoon na lamang?
Sinabi ko noon sa aking opinyon, gaya ng apat na dati kong kapawa-husgado sa Korte Suprema, na walang ebidensya laban sa kanya. Tatlo't kalahating taon na siyang nakakulong sa testimonya ng mga nahatulang drug lords, na pinabulaanan naman ng kapani-paniwalang mga kontra-testigo. Ito ay isang maitim na bahid sa sistema ng hustisya sa ating bansa.
Hirap akong pag-usapan ang sitwasyon ni Sen. De Lima. Sa akin, ito ang pinakamatingkad na ehemplo ng baluktot na hustisya sa ating panahon. Pinamumulat nito sa atin ang tindi ng kalupitan ng ilang Pilipino sa kaniyang kapwa. Napakahirap ng sitwasyon niya para sa ating lahat, pagkat habang tumatagal ang pagkakakulong niya, lalong humahapdi ang sugat sa kaluluwa ng mga Pilipino, at lalong umaalingasaw ang kabulukan ng pangkalahatang sistema. At napipilitan akong magtanong ng mga ganito:
paano natin matatawag ang sarili nating mga Kristiyano kung tayong mga Pilipino ay nagagalak sa di-makatarungang pagpatay ng mga kapwa-Pilipino? At paano natin kayang pumalakpak sa pagtanggal ng karapatang maging malaya ang kapwa natin, lalo na kung ang biktima ay public official na tumutugis sa mga kumikitil ng mga karapatan ng ating kapwa? At kung iniisip natin, kung hindi pagbibigay ng hustisya ang hanapan ng kasagutan ang mga kahindik-hindik na patayan sa Davao, mahabaging langit, kaawaan mo kami; pagka't ano pa ang nalalabing katarungan para sa aming mga Pilipino?
Maaaring gawa-gawa lamang ang kwento tungkol sa mga patayan, at ikaluluwag ng dibdib natin kung gayon nga; ngunit ayon sa batas at sa tama, katungkulan ni Chairman De Lima ang mag-imbestiga.
Mga kababayan, kapwa Kristyano, marahil panahon na upang isantabi ang kampi-kampihan sa mga personalidad sa pulitika at harapin ang ilang tanong upang mapanatag ang ating konsyensya: Mali ba na ang isang government body na pinangunahan ni De Lima ay mag-imbestiga tungkol sa higit sa isang libong naitalang patayan na nangyari sa isang lungsod? Mali ba na si De Lima, bilang senador, ay humingi ng imbestigasyon sa gabi-gabing patayan na nangyayari simula noong Mayo 2016? Tama ba na nilunok natin ng walang panunuri ang mga salu-salungat na kuwento ng mga druglords ukol sa kanya? Tama ba na makulong si Sen. De Lima nang wala ni isang gramo ng narkotiko o drug paraphernalia na naiugnay sa kanyang pagkatao? Tama ba na sumama tayo sa hiyawan ng mga kongresista habang nangangantiyaw sila ng mga kabastusan ukol sa mga bagay na pribado; at hindi ba natin naramdaman na sumasadsad ang ating pagkatao sa burak ng kawalang moralidad?
Nananawagan ako sa mga kabataan na huwag kailanman kalimutan ang kakayanan ng masasamang pulitiko na mangwasak ng buhay at lipunan. Kaya nilang gamitin ang batas upang sirain ang isang indibidwal, tanggalan ng trabaho ang 11,000 sa media, gawing lehitimo ang paglabag sa Konstitusyon, at gawing inutil ang mga demokratikong institusyon na dapat nagtatanggol sa mamamayan. Huwag niyong kalimutan si Sen. De Lima na nananatiling matibay sa harap ng pang-aapi sa kanya upang ipaglaban ang isang kinabukasan na may katarungan at kalayaan. Para sa ating Bayan, ibalik ang tama at mali sa puso ng ating taumbayan, ibangon muli ang ating mga demokratikong institusyon, at higit sa lahat, tumalima tayo sa Panginoong Diyos!
Palayain si Leila!