IBINENTA NGA BA NI NINOY AQUINO ANG SABAH?
Posted: 01 November 2021
By: Kasaysayan Help Desk
Alvin D. Campomanes
Program Head, Social Sciences Area Studies
University of the Philippines Manila
Malaganap sa social media ang mga post tungkol sa diumano'y “pagbebenta” ni Senador Ninoy Aquino ng Sabah sa Malaysia. Paulit-ulit itong ikinakalat sa Facebook, Youtube, at iba pang kaduda-dudang blog at website. Hinanap ko ang pinagmulan ng kuwento at napag-alaman kong ibinatay ito sa isang artikulo ni
Janvic Mateo para sa Philippine Star noong 2013.
Narito ang buod ng mahahalagang puntos ng nasabing ulat na direktang may kinalaman sa ipinaparatang kay Ninoy:
1. Ibinahagi ni Hermes Dorado, dating National Territory Division Head ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang isang impormasyong nakuha niya raw mula sa dating embahador at retiradong Heneral Rafael Ileto.
2. Nakipagpulong daw si Aquino kay Mohammad Mahathir bago ito bumalik sa Pilipinas noong 1983. Dagdag pa, ipinangako aniya ni Ninoy kay Mahathir na hindi niya bubuhayin ang pag-angkin sa Sabah kung susuportahan siya nito. Nangako raw si Mahathir na tutulungan siya nito sa pagpapatalsik kay Marcos.
3. Aminado si Dorado na “walang opisyal na rekord” ang sinasabing pulong ng dalawang pinuno.
Sa madaling salita, hindi establisado ang katotohanan ng “pagbebenta ni Ninoy” sa Sabah. Una, walang opisyal na rekord na magpapatunay ng pag-uusap. Ibig sabihin, wala rin tayong batayan ng mga paksang pinag-usapan nila. Pangalawa, nakuha niya lang ang impormasyon kay Heneral Ileto.
Dahil ito’y ulat ng paniniktik (intelligence), mahirap tiyakin ang katotohanan o kawastuhan nito. Pangatlo, hindi na ito makukumpirma o maitatanggi nina Senador Aquino o Heneral Ileto. Hindi ko sinasabing anti-Aquinong propaganda ang balita ni Mateo. Ngunit nagagamit ito upang sirain ang imahe ni Ninoy.
Posible bang ibenta ng isang dating Senador ang isang bahagi ng ating pambansang teritoryo? Kahit si Marcos na nasa poder pa rin noon, hindi puwedeng gawin iyon. Kung totoong malakas na pinuno si Marcos, kung kontrolado niyang lahat dahil epektibo ang batas militar, paano ito magagawa ng isang nagbabalikbayang destiyero?
Malinaw sa kasaysayang diplomatiko natin na si Pangulong Marcos mismo ang nagpahayag ng kagustuhan na bitawan na ng Pilipinas ang pag-angkin nito sa Sabah kapalit ng mas maayos na diplomatikong relasyon sa mga bansa sa rehiyon. Inanunsyo niya ito noong Agosto 1977 sa ASEAN Summit na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia (Vitug at Gloria 2000, 22; Solidum 1998, 129; Castro, 1985, 281).
MGA SANGGUNIAN
Castro, Pacifico A. 1985. Diplomatic Agenda of Philippine Presidents. Manila: Ministry of Foreign Affairs.
Mateo, Janvic. 2013. Ninoy vowed to drop Sabah claim to get KL support vs Marcos. Philippine Star, 13 Marso.
Solidum, Estrella D. 1998. Philippine External Relations with Southeast Asia. Nasa Philippine External Relations A Centennial Vista. Manila: Pasay City: Foreign Service Institute, 91-196.
Vitug, Marites D. at Glenda M. Gloria. 2000. Under the Crescent moon: Rebellion in Mindanao. Quezon City: Ateneo Center for Social Policy and Public Policy.
Source
From Tedd Santos